Here are outtakes from Kahit Pangalawa sa Puso Mo:
This is the original version of Chapter Three, kuya Carl and ate Aubrey’s wedding.
FIVE MINUTES BAGO MAG ala-sais ng gabi, tahimik na nasa likuran ng simbahan si Cedric sa tabi ng kanyang kuya, habang inaayos ng kanilang mama ang kurbata nito. Nakangiti ito sa panganay pero nakikita ni Cedric na nanliligid ang luha nito. Nasa tabi naman nila si Cherise na nag-aayos ng bulaklak sa bouquet ng ina. Hindi ito parte ng wedding party at mauupo kasama ng mga lolo at lola nila sa bandang harapan. Marahan niyang hinagod sa likod ang ina, kaya’t siya naman ang binalingan nito. “Eh ikaw Cedric Edward? Kelan ka mag-aasawa?”
“Mama naman!”
Tumayo na ang papa nila sa tabi ni Carlos. “Andyan na ang bridal car,” sabi nito.
Humugot ng malalim na buntong hininga ang kuya ni Cedric bago siya hinarap at nginitian. “Paano ba yan, tol?”
Umangat ang isang gilid ng mga labi ni Cedric sa isang mapanuksong ngiti. “Oo nga, kuya. Paano ba yan?”
Muli siyang niyakap ng kapatid at nang lumapit ang wedding coordinator para sabihing handa na ang lahat, iniwan ni Cedric ang pamilya para tumayo sa kauna-unahan ng pila. Nang tumugtog ang mga organ at tumango na ang wedding coordinator kay Cedric, huminga siya ng malalim at nag-simulang mag-lakad. Tinungo niya ang pwesto sa bandang kanan ng altar kung san niya sasamahan ang kapatid para antayin ang makakasama nito habang buhay.
Sinundan si Ced ni Albert na siyang groomsman at ang isa pang pinsan ni Ced bago nag-lakad nang papalapit ang kuya Carl niya kasama ang mga magulang nila. Sumunod ang tatlong pares ng ninong at ninang na tila ba nag-co-contest sa pagandahan ng gown, at ang mga secondary sponsors. Matapos nun, sumunod ang ring bearer, at ang coin bearer na lumihis ng landas para ibigay ang mga coins sa mommy nito na nasa ikatlong hilera ng mga upuan. Sumunod ang bible bearer. Nakita ni Cedric na nagsimula na mag-lakad ang batang babae na siyang nginitian ni Daphne kaninang hapon. Itinatapon nito ang mga petals ng bulaklak na siyang lalakaran ng bridal party.
Sumulyap siya sa kuya niya pero nakatingin ito sa likod ng simbahan, malaki ang ngiti. Tinignan ni Cedric isa-isa ang mga bridesmaids na nakatayo sa bandang likuran ng simbahan. Naaaninag niya ang ate Aubrey niya, pero hindi niya matukoy kung sino sa apat ang maid-of-honor hanggang sa mag-simula na din silang mag-lakad isa isa. Naiwan ang isang babae sa harap ng bride at dun nag-concentrate si Cedric. Nag-simula ito mag-lakad papalapit. Marahan ang mga hakbang nito pero naka-angat ang mukha. Suminghap si Cedric nang nakikita na niya ang mukha ni Daphne. Naka-taas ang buhok nito, naka-ayos nang mabuti at tila ba nilagyan ng mga diamante. Simple lang ang make-up nito pero lalong tumingkad ang kagandahan.
Hindi ito sa kanya nakangiti. Hindi niya kailangan tumingin para malaman na kay Albert ito nakatingin. Pero bago ito tumungo sa lugar kung saan ito kailangang tumayo, sumulyap ito sa kanya, at kumindat siya dito. Nakita niyang namilog ang mata nito nang bahagya bago ngumiti, nag-blush at lumiko para tumungo sa mga upuan sa bandang kaliwa ng altar. Hindi napigilan ni Cedric ang mangiti ng malaki.
Umalis si Carlos sa tabi niya at nilapitan na si Aubrey, at nag-simula na ang misa.
***
This is the original version of Chapter Ten, Cedric and Daphne’s date at Bonifacio High Street:
DAHIL HINDI PA KUMAKAIN ng tanghalian at halos alas-tres na ng hapon, inaya ni Cedric si Daphne na kumain muna. Sa Italianni’s niya dinala ang dalaga pero hindi naman umorder si Daphne dahil kumain na nga ito ng lunch. Nagulat pa ito nang dumating ang pagkain na inorder ni Cedric. Focaccia Bread dipped in Olive Oil and Balsamic Vinegar at Parmesan Crusted Fish Fillet na malalaki ang servings.
“Kaya mong ubusin yan?” tanong nito habang naka-hawak sa baso niya ng iced tea.
“Oo.” Inosente ang ngiti ng binata. Malakas kasi talaga siya kumain kahit na lanky ang katawan niya. “Sigurado kang busog ka pa?”
Tumango si Daphne. “Late na kami nag-lunch ni mommy bago siya umalis para mag-punta sa isa sa hospital. She’s a doctor.”
“Kaya si Albert ang kasama mo sa bahay.”
Pinaningkitan siya ni Daphne. “Di ba hindi natin pag-uusapan si Albert?”
“Oo nga pala,” sabi ni Cedric bago kinagat ang isang strip ng fish fillet. “Ano pag-uusapan natin?”
Ipinatong ni Daphne ang pisngi sa isang kamay habang pinagmamasdan siya. Pilya ang ngiti nito at may ningning sa mga mata. “Ikaw,” sabi nito. “Let’s talk about you?”
Ngumuya si Cedric ng matagal bago nilunok ang kinakain. “Ikaw muna,” balik nito. “Kumakain ako eh.”
“Ang daya mo!”
Tumawa ang binata. “Seryoso! Ikaw mauna. Pagkatapos ko kumain, ako naman ang mag-ku-kwento.”
Dumila ang dalaga. “Fine. Ano ang gusto mo malaman?”
“Anything, everything.” Hiniwa ni Cedric ang isa pang strip ng fish fillet. “May boyfriend ka ba?”
“Sa tingin mo sasama ako sa’yo ngayon kung meron?” mahina nitong tanong.
Nag-angat ng mukha si Cedric at pinag-masdan ang maliit na ngiti ng dalaga. Sa totoo lang, she fascinates him. Nung una pa lang. Merong nasa mga mata ni Daphne Aranda na siyang nakita ni Cedric na hindi niya maintindihan, pero hindi din niya malimutan. Sweetness, innocence, friendliness… mga bagay na light at masaya. Mga bagay na nakakapag-paisip sa isang lalaki. Ngumiti si Cedric. “Good,” sagot niyang hindi napigilan ang sarili. Muli siyang tumungo sa pagkain.
Hindi totoong chickboy si Cedric pero hindi naman siya ganun ka-torpe. Kung may gusto siyang babae, nakakapanligaw naman siya. Pero pihikan nga siya. Kaya’t nung nakaraang gabi na inaya niya si Daphne lumabas ay todo alaska siya sa kapatid na katabi sa harap ng kotse, pati sa mga magulang na naka-upo sa likuran. Syempre, si Cherise lang ang makulit na nag-pahalatang nakikinig sa usapan sa telepono. Pero matapos ang tawag, pabirong pinagkukurot siya ng mommy niya at sinabihang binata na siya.
“Okay, with that out of the way,” sabi ni Cedric. “Tell me everything.”
Humugot ng malalim na hininga ang dalaga. “Ano bang sasabihin ko sa’yo?” nag-isip ito. “Okay, account manager ako sa isang advertising firm sa Ortigas. Pareho kami ng company ni Albert. It’s hard kasi competitive saka stressful pero okay naman minsan. I love to read kaya ngayon pa lang mag-so-sorry na ko pag nainip ka mamaya sa Fully Booked. I like pets. I like pet fishes.” Tumigil ito na tila nag-iisip pa ng idadagdag. “Blue ang favorite color ko, saka pizza ang paborito kong pagkain.”
Tahimik lang na kumakain si Cedric at tinatago ng pag-nguya ang ngiti. Pesteng mga dimples. Hindi tuloy siya makapagtago ng tuwa. Natutuwa siya sa lahat ng gawin ng dalaga. Natutuwa siya sa boses nito, sa paraan ng pag hawak nito sa baso, sa suot nito, sa pag-ihip ng hangin sa buhok nito, sa lahat ng sinasabi nito. Pag tumigil itong mag-salita, inaangat ni Cedric ang ulo para mag-tanong, saka naman muling mag-sasalita ang dalaga.
Maya-maya pa ay napansin na nitong tapos na siya kumain. “Teka,” sabi nito. “Kanina ka pa tapos kumain ah. Your turn!”
Ngumisi si Cedric. “In a bit. Isa pang tanong. Anong favorite dessert mo?”
“Last na ba yan?” may paghihinala ang tono ni Daphne.
“Hindi, pero last na for now.”
“Okay. Cheesecake. I love cheesecakes.”
Nag-aya na itong maglakad na sila patungo ng Fully Booked. Parang matagal na silang magkaibigan. Kulay pula na ang langit at palubog na ang araw. Hindi nila namalayang matagal na pala silang nakaupo at nagkukwentuhan sa Italiani’s.
Nalaman din niyang gentleman ito nang lumilipat ito ng pwesto sa tabi niya tuwing tumatawid, at inaalalayan siya. Ipinagbubukas din siya nito ng pinto. Maliliit na bagay lang na hindi siya masyadong sanay. Doon niya na-realize na masyado silang naging mag-best friend ni Albert na hindi na siya nito tinatratong babae. Hindi siya sanay na inaalalayan.
Pagpasok ng bookstore, sumilay ang malaking ngiti sa mga labi ni Daphne at sinulyapan niya si Cedric. Malaki din ang ngiti nito na hindi kaagad naitago. Napahagikgik siya. Halata na happy place din nito ang bookstore.
Hinawakan niya ito sa braso. “Ced, sa romance section ako pupunta. Kung gusto mo lumibot, okay lang sa’kin. Meet na lang tayo ulit dito sa Best Sellers area.”
“Samahan na kita,” sabi nito at kinuha ang kamay niya.
“Sigurado ka?” tukso niya habang humawak na din siya sa kamay nito.
Tumango lang ito at sinundan siya sa romance section ng bookstore. Isa pang kaibahan nila ni Albert. Pag mapilit niyang mag-tagal sa bookstore si Albert, usually fifteen minutes, hinding hindi mo ito mapapalapit sa romance section. Parang secured naman sa pagkalalaki niya si Cedric. Tinatanong din siya nito kung sino ang paborito niyang mga manunulat at kung anu-anong libro na ang nabasa niya. Minsan lang namilog ang mata nito nang mag-buklat ito ng libro. Nahulaan ni Daphne na malamang naka-tyempo ito ng love scene. Hinila niya ang libro mula sa kamay nito pero muli itong inagaw ni Cedric at binuklat para hanapin ang pahina na aksidenteng binasa. Natawa siya ng malakas dun.
Matapos makapamili si Daphne ng dalawang libro na hindi niya magawang bitiwan, ito naman ang sinamahan niya kung saan ito naman ang tumingin ng mga graphic novels. Si Cedric ang may dala ng mga bibilin niya habang siya naman ang nag-tatanong dito. Ipinaliwanag nito na ang mga graphic novels ay comics lang na mahahaba ang kwento. Para lang yung bibilin niyang libro, pero naka-drawing. Itinuro din nito ang mga graphic novels na nabili na nito at ang mga paborito nito. Meron itong nakita na gusto nitong bilin at sabay silang nag-punta sa counter.
Hindi pumayag si Cedric na bayaran ni Daphne ang binili. Nag-labas ito ng credit card habang inaaway siya ng dalaga. “Ced, ano ka ba! Ako na ang magbabayad niyan!” saway nito habang nakatingin at naka-ngiti lang sa kanilang dalawa ang kahera. Kinuha na nito ang card ni Cedric. Ngumisi ang binata.
“Think of it as a gift,” sabi nito.
“An expensive gift!” away ng dalaga na nakasimangot.
“But special, nonetheless.” Hinarap nito ang kahera at sinabing ihiwalay ng plastic ang mga nobela sa comics. Nakapamewang si Daphne at naka-simangot pa din nang lumakad si Cedric palayo ng counter. Sinulyapan siya ng binata at tinignan ng nag-tatanong.
“Nakakahiya,” sabi lang ni Daphne.
Bumuntonghininga si Cedric. “Fine, ibili mo na lang ako next time magpunta tayo dito.”
May next time pa? masayang bulong ng puso ni Daphne.
Inabot ni Cedric sa dalaga ang kamay at hinintay siyang kunin yun. Lumapit siya dito at inabot ang kamay niya. “Sige,” sabi ni Daphne. “And thank you.” Mahiyain ang ngiti niya.
Kumindat lang si Cedric. “You’re welcome.” Lumabas sila ng Fully Booked. “Gusto mo na ba umuwi?”
Madilim na ang langit. Dinner time na pero hindi pa naman gutom si Daphne kaya ayaw pa niya kumain. At lalong ayaw niyang umuwi. Maaga pa. “Pagod ka na ba? Kasi okay lang kung gusto mo na mag-pahinga.” Syempre hindi okay yun, pero hindi naman niya sasabihin yun di ba?
“Actually, ayoko pang umuwi ka,” labas-dimples ang ngiti ng binata. “Maaga pa naman at hindi pa ko pagod.” Tila nag-isip ito. “Ano pa gusto mo gawin?”
Ang panoorin ka forever, isip ni Daphne.
“Nagugutom ka ba?” tanong nitong muli.
“Hindi pa. Mag-lakad-lakad muna tayo.” Sabi niya.
Hinigpitan ni Cedric ang pagkakahawak sa kamay niya bago sila nag-lakad palibot-libot sa Bonifacio High Street. Maya-maya pa, nakita na lang niya ang sarili na nakaupo na sa harap ng Miss Desserts at may isang bilog na Belgian Chocolate Chip cheesecake sa harapan niya. Nakasimangot siya kay Cedric na siya namang nakangiti sa tapat niya. “Tataba ako nito,” reklamo niya.
“I’m sure maganda ka pa din,” sabi nito habang kumuha ng isang parte ng cheesecake na nasa harapan ni Daphne.
Tumawa ang dalaga. Napakadaling kasama ng lalaki. “It’s your turn,” sabi niya habang sa cheesecake ni Cedric kumukuha ng isang maliit na subo. Masaya silang nag-kwentuhan at sinagot ni Cedric ang lahat ng gusto niyang malaman.
All titles are copyrighted to © Bookware Publishing Corporation

Nothing Else Matters












