OUTTAKE: Edward and Apollo

Kung nabasa niyo ang kwento ni Edward, alam ninyong nag-crash ang helicopter na pinipiloto niya kung kaya siya umalis ng Air Force at naging Sentinel. Kung nabasa niyo naman si Brent ng X My Heart, alam niyong nandoon si Apollo no’ng nag-crash ang helicopter ni Edward.

Sinulat ko itong scene na ito as a writing exercise noong unang panahon. Wala ito sa kahit na anong libro. Outtake ba. Pagpasensiyahan niyo na kasi walang nag-edit nito kaya malamang may typo, may wrong grammar or what-have-you.

Salamat sa pagbabasa sa Sentinels series ^^ Dahil sa inyo, nabubuhay ang mga pantasya ko wahehe

———————

Suabe ang pagkakalanding ni 1st Lt. Edward Cabrera sa pinipilotong helicopter sa helipad ng Benito Ebuen Air Base sa Mactan Island sa Cebu. Kaya niya iyong gawin kahit lasing at may hang-over. Kaya niya iyong gawin nang tulog.

Bata pa si Edward, pangarap na niyang maging piloto. Kung naging Amerikano lang sana siya, pumasok siya ng U.S. Air Force at ngayon ay nagpipiloto na ng F22 Raptors. Pero masaya naman siya sa PAF bilang isa sa mga rescue pilots ng 5051st Search and Rescue Squadron. Ngayon nga at bagong promote siya, lilipat na rin siya ng 15th Strike Wing at tuluyan nang magiging isang fighter pilot.

Naramdaman niya ang pagtapik sa kanyang balikat ng senior officer na kasama niya sa flight, si Major General Alex Cariño. “Good work,” sabi nito at ngumiti si Edward. Bumaba na ang heneral at ang aide nito bago pa tuluyang patayin ni Edward at ng kanyang co-pilot ang makina ng Bell UH-1H.

Inalis ni Edward ang helmet at idinaan sa pawisang noo ang likod ng isang kamay.

“Hay, buhay,” sabi ng kanyang co-pilot na si 2nd Lt. Frieda Jimenez. Batchmates sila sa PMA pero hindi sila masyadong naging close ng babae habang nasa akademiya sila. Napalapit lang sila sa isa’t isa nang sabay na pumasok sa 505th Search and Rescue Group. Uminat ito bago siya nginisian. “Paano ba yan, Cab?” sabi ng babae. “Pagbalik natin, ihuhulog na lang kita sa Sangley bago kami umuwi ng Villamor. Hindi mo ba ‘ko mamimiss?”

Tumawa si Edward. “Siyempre mamimiss,” sagot niya. “Ikaw kaya ang wing man ko.”

Bumuntong-hininga si Frieda. “Mag-iingat ka do’n,” sabi nito. “Una, wala ako do’n. Pangalawa, hindi na helicopter ang hawak mo do’n.” Itinaas nito ang isang kamay at inalay kay Edward. Tinanggap iyon ng binata.

“Salamat.”

“Cabrera!” tawag ng isang tinig mula sa labas at tumawa ang binata nang makita ang malaking ngisi sa mukha ng isa sa kanyang pinakamatatalik na kaibigan sa PMA, si 2nd Lt. Apollo “Pol” Marasigan.

Bumaba sila ni Frieda sa helicopter at hinablot siya ni Pol para yakapin. Matagal na rin silang hindi nagkikita ng kaibigan at tinapik-tapik niya ang likod nito. “Miss na miss mo ako ah,” tawa ni Edward.

“Oo, bok,” nakangiti pa ring sabi ni Pol. “Hi, Frieda!”

“Hi, Pol!”

Naglakad silang tatlo pabalik ng HQ. Magre-report lang si Edward tapos libre na siya ng dalawang araw habang nasa Cebu sila. Matapos niyon, lilipad silang muli papunta naman sa Cotabato kung saan ihahatid niya si General Cariño bago sila uuwi ng Villamor. Tama si Frieda. Ihahatid lamang siya ng mga ito sa Sangley sa Cavite kung saan magsisimula na siya ng bagong yugto ng buhay niya sa Air Force.

Lunes…

Nakatanggap ng distress call ang kampo ng military sa Cotabato na nagsasabing may isang platoon ng mga sundalo ang na-stranded sa kagubatan matapos ma-ambush ng mga rebeldeng sundalo ang kanilang convoy. Nagtaas ng alert level ang kampo at nag-utos ng air support ang CO.

“Sir,” sabi ni Pol na naka-upo sa tabi ni Edward sa mission planning. “Search and Rescue ‘tong si Cab.”

“Aba, siyanga ano!” sabi ng kanilang base commander. “Okay lang bang magdala ka ng isang SAR bird, Lt. Cabrera?”

“Okay lang, sir,” sabi ng binata.

“Sige. Co-pilot ka ni Captain Santos.” Tinapik ng piloto na naka-upo sa likod ni Edward ang kanyang balikat. Sinulyapan niya ito at tinanguan. Ibinigay ng CO ang coordinates sa kanila at binigyan sila ng permisong magdala ng dalawang UH-1H sa pick-up point. “I don’t need to tell you to take care. Mainit do’n ngayon.”

Tumayo sila at sumaludo sa CO, bago mabilis na lumabas para mag-bihis. “Ayus!” excited na sabi ni Pol. “Ngayon lang kita ulit makakasama sa misyon.”

Tumawa si Edward. “Sinasabi ko sa ‘yo h’wag ka magulo, Marasigan,” sabi nito. “Ayokong kailanganin ka pang i-rescue.”

“Ang yabang ni sir! Porke 1st lieutenant na!” tumatawa siyang sumaludo bago tinungo ang sariling helicopter.


Siguro isa na iyon sa mga hindi malilimutang araw ni Apollo. Apat sila sa helicopter na dala niya, at apat din ang nakasakay sa helicopter ni Edward. Nagtatawanan pa sila bago marating ang coordinates, at nakikipag-biruan pa sa kapitan ng unit ng Marines na nangangailangan ng evac. May ilang sugatan pero wala naman daw malubha. Nagpasalamat si Pol do’n.

Nakatingin siya sa labas ng helicopter, pinipilit na makita ang mga sundalong ire-rescue habang naka-camouflage ang mga ito at nasa ilalim ng mga puno. “Ayon si Captain Llanes,” sabi niya sa headset nang makita ang CO ng unit na kumakaway.

“Head’s up! RPG!” tawag ni Captain Santos mula sa headset.

Parang binuhusan ng malamig na tubig si Apollo. Nabuhay lahat ng ugat sa kanyang katawan at gumewang ang helicopter para mag-evasive maneuvers.

Sumabog ang putukan mula sa ibaba. Sabay na tumaas ang dalawang UH-1H para malayo sa line of fire, at para mabigyan ang mga gunners ng pagkakataong maka-asinta at makapagpaputok ng mga dalang baril.

Namilog ang mga mata ni Pol nang makita ang dalawang rocket-propelled grenades na lumipad mula sa mga puno. “Incoming!” sigaw niya sa headset bago muling sinubukang umiwas sa paparating na kamatayan.

Muntik nang tumama ang isa sa gilid ng helicopter na kanyang dala, pero napasigaw sila ng kanyang co-pilot nang makitang tumama sa tail rotor ng ikalawang helicopter ang isang RPG. Hindi na alam ni Pol kung ano ang mga nangyayari. Hindi niya alam kung tumigil na ang putukan sa ibaba.

Parang slow motion ang mga pangyayari habang pinapanood niyang umikot ang helicopter. Bumababa ang altitude nito pero umiikot pa rin habang umuusok ang tail rotor. Naririnig niya ang tinig ni Captain Santos. Ang mga utos nito kay Edward. Naririnig niya sa headset ang sagot ng kaibigan. Sinusubukan nilang iligtas ang helicopter at ang mga sarili.

Gusto niyang alisin ang headset para hindi marinig ang tinig ng mga ito, o ang sarili niyang mga sigaw. Sumabog ang hinagpis at galit sa kanyang dibdib nang makitang tuluyang mag-crash ang UH-1H sa mga puno. Bumagsak ito ng ilang dipa bago sumabit sa mga sanga ang elisi at ang buntot kung kaya’t nakadikit ang nguso ng sasakyan sa lupa nang tumigil ito sa pagbagsak.

Hindi alam ni Pol na nireport niya sa base ang mga kaganapan, at parang naka-autopilot ang kanyang katawan nang sumunod siya sa ibinigay na coordinates ng landing zone ang nasa kabilang linya. Magpapadala raw ng back-up ang Air Force. Hindi na narinig ni Pol kung ano ang inutos sa kanya pero ibinaba niya ang helicopter sa landing zone nang walang pakialam kung mukha silang sitting duck na nag-aanyaya sa mga rebelde na paputukan sila.

“F–k, Cab, sumagot ka,” sabi niya sa headset. Namamalat na siya pero hindi niya pinansin ang pananakit ng lalamunan. Mas malakas ang sigaw ng kaluluwa niya dahil alam niyang wala na ang kaibigan. “Edward! Edward, do you read?” muli niyang sigaw pero nanatiling tahimik ang kabilang linya.

Tumatakbo palapit ng helicopter ang dalawang sundalo na may bitbit na isa pa sa pagitan nila. “We’re loading the wounded!” sigaw ng isa sa mga ito. “Mag-aantay na lang kami ng back-up!”

“’Yung isang helicopter?” pasigaw ring tanong ni Pol.

“Nandoon si Captain Llanes,” sagot ng isa sa mga sundalo. “Tinitignan nila kung may survivor.”

Tumango siya. Maghihintay siya. Wala siyang pakialam kung magiging napakadali para sa rebelde na asintahin na lang sila at pasabugan dahil nakatimbre lang ang helicopter niya sa gitna ng isang clearing. Hindi siya aalis doon nang wala si Edward.

May tatlo pang sugatan ang isinakay sa helicopter bago niya nakitang tumatakbo si Captain Alessandro Llanes III. May sumusunod rito na isa pang sundalo. May dalang makeshift stretcher ang dalawa sa pagitan nila. Isinakay nila sa helicopter ang lalaki at hindi makahinga si Pol nang makita ang duguan nitong flight suit. “Siya lang ang survivor, lieutenant,” sabi ni Captain Llanes. “I’m sorry. Umalis na kayo. Maghihintay na lang kami ng susunod na sundo.”

Sumaludo siya sa kapitan bago muling nag-take-off. Hindi jet ang dala niya, pero kung kinakailangang makalas sa bilis ng pagpapalipad niya ang helicopter gagawin niya, madala lang niyang buhay si Edward sa base hospital.

“Maituturing na mirakulo ang nangyari,” sabi ng doktor habang nakatayo silang lahat sa labas ng ICU. Naroon ang base commander, si Pol, at si Captain Llanes. Umabot ng dalawampung oras ang operasyon para magamot si Edward. Tumamo ito ng concussion. Tumagos sa tagiliran nito ang isang sanga ng puno na siyang naging dahilan kung bakit meron itong tatlong broken ribs, at punctured lung. Tinignan nito ang dalang clip board. “He shouldn’t be alive. Buti at wala siyang spinal injury kundi mas magiging kumplikado ang paggamot sa kanya. His left leg and arm are both broken. His right leg is also broken in three places. He also has a dislocated right shoulder. The first 24 hours is critical. Kailangang mag-respond siya sa medication o kaya ay magkaroon ng malay. I’m recommending he be transported to Manila the day after tomorrow kung bumuti-buti ang lagay niya.”

“Sir, kapag gumaling na siya,” – hindi siya papaya na isipin niyang hindi gagaling si Edward – “Makakalakad pa po ba siya?” tanong ni Pol.

Bumuntong-hininga ang doktor. “The bones will heal. Baka kailanganin niya ng therapy pero oo, makakalakad siya.” Muli, bumuntong-hininga ito. “Isa pa, meron kaming nakitang abnormality sa loob ng kanan niyang tainga. Dala ng head injury. May parte sa loob ng tainga na kung tawagin ay labyrinth. Namamaga iyon. Maaari naming magamot iyon ngayon pero may pagkakataong babalik ang kanyang sakit. Ang mga ganoong problema ay nakaka-apekto sa balanse ng tao. Vertigo o motion sickness.”

Nanlumo si Pol. Napasandal siya sa pader dahil alam na niya ang susunod na sasabihin ng doktor. Isa iyon sa mga bangungot ni Edward.

“He would be able to walk after therapy but it might not be safe for him to fly again.”

Nagpasalamat ang CO sa doktor bago tinapik ang balikat ni Pol. “I’m sorry, lieutenant,” sabi nito. “Ako na ang tatawag sa pamilya ni Lt. Cabrera. Kung gusto nila pumunta dito, we’ll fly them. Pero dadalin natin si Edward sa Villamor sa makalawa.”

Tumango si Pol. Hindi pa niya alam kung ano ang isasagot. Sa totoo lang, mas maraming problema ang kanilang CO ngayon. Maliban kay Edward, wala nang survivors ang pag-crash ng helicopter. Kailangan nitong tumawag sa tatlong pamilya para sabihing wala na ang kanilang mga mahal sa buhay.

Nang umalis ang CO, si Captain Llanes naman ang tumapik sa kanyang balikat. “You did a good job, lieutenant,” sabi nito.

Umiling siya. “Sir, hindi siya dapat lumipad eh,” hindi na niya naitago ang saloobin. “Ako ang nag-volunteer sa kanya. Palipat na sana siya. Kung hindi ko siya dinamay… Tapos ngayon, baka hindi na siya p’wedeng lumipad.”

“Ang mahalaga ngayon, buhay si Lt. Cabrera,” sabi ng kapitan. “Wala kang kasalanan. Hindi mo siya pinilit ipiloto ang helicopter na ‘yon. Desisyon niya iyon. Ang importante, niligtas mo siya. Niligtas mo siya, lieutenant.”

Tumango si Pol kahit hindi siya kumbinsido. Muli, tinapik ng kapitan ang kanyang balikat bago ito nagpaalam at umalis. Naupo si Pol sa isa sa mga upuan sa labas ng ICU. Wala nang pakialamanan. Kasalanan niya ang lahat. At habambuhay niyang dadalin sa kanyang kaluluwa ang itsura ni Edward nang una niya itong makita matapos ang crash. Habambuhay na niya iyong magiging bangungot.

(C) Bookware Publishing Corporation

You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed.You can leave a response, or trackback from your own site.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>

  • My Latest Release


    Sentinels (Book 9): Beautiful Soul


    You can also check out my bookshelf to see all my books.

  • Say What?

  • 2011 MS Count

  • Postcrossing

  • Find Freelance Work Online

    The On Demand Global Workforce - oDesk

    I'm an...
    best freelance writers

  • Daily Click

    The Literacy Site

    Pay Per Click

  • Amazon Book Deals

  • Nuffnang Ads

  • Archives

  • Enter your email address to subscribe to this blog and receive notifications of new posts by email.

  • My Work is My Own

  • Theme Credit