Kagabi, or kaninang madaling araw, pabaling-baling ako sa higaan kasi nakikipag-debate sa ‘kin si Apollo Marasigan na unahin ko na raw siya at gawing Sentinel #8. Dahil mahal ko siya, at dahil hindi ko pa sigurado kung gusto ko isulat ang dapat at original Sentinel #8, nag-isip ako ng heroine para kay Paul. Alam ko naman na ang plot at scenes, pero hindi pa malinaw sa ‘kin ang heroine niya.
Dahil sa kagustuhan kong iba-ibahin ang mga chracters, nagplano ako kung gusto ko ba ng babaeng astig, matapang, iyakin o sweet para sa mahal kong si Paul. Doon ko naisip na hindi p’wedeng Cinderella ang heroine niya dahil… well, Cinderella na ang huli kong heroine.
Ano nga ba ang Cinderella na character? Sa kwento ni Cinderella, Disney version ito kasi hindi ko nabasa ‘yong original version, namatay ang daddy ni Cinderella noong bata siya at naiwan siya sa pangangalaga ng masungit niyang step-mother. In short, naapi at naabuso si Cinderella bago makahanap ng happily-ever-after niya.
Noong hindi pa ako nagbabasa ng Tagalog romance, hindi ako mahilig sa mga naaapi o naaabusong characters. Naaalala ko kasi lagi si Judy Ann Santos sa mga telenobela. Mahirap na nga ang buhay, babasahin o papanoorin ko pa ay laging nasasampal, nasasabunutan, at emotionally-battered. Ngayon namang nagsusulat na ako ng Tagalog romance, napapansin ko na mahilig din pala ako sa mga naapi.
Sa listahan ko ng heroine, ilan sa kanila ang naabuso?
* Bethany (Inosenteng Puso) – pinalaki siya ng tita niya na masungit at laging pinapamukha sa kanya na utang na loob niya ang bawat butil ng bigas na kinakain niya.
* Cassandra (Crescent Heart) – neglected siya ng daddy niya.
* Mios (Playing for Keeps) – same as Cassie.
* Amerie (Waiting to Fall) – naging tampulan siya ng tukso dahil sa over-weight siya.
* Joie (My Safe Harbor) – inabuso siya ng mga magulang (physical at emotional)
* Bryce (Love Always Dreams) – binugbog siya ng tatay niya.
Kung iisipin, nakakasawa nga naman ang Cinderella na heroines kahit pa sabihing formula. Iyakin, parang walang backbone, alagain… pero alam niyo, sa totoong buhay, maraming Cinderella sa paligid natin. Mga babaeng nasa relationships (hindi lang marriages) na abusive. Ang mga Cinderella sa mga kwento natin, nabibigyan natin ng boses, ng pagkakataong mabago ang buhay at makatakas sa mga pang-aabuso sa kanila. Pero nakakalugkot isipin na marami mang kababaihan ang tulad ng mga heroines ko, higit na mas marami ang hindi.
I’m sorry, wala akong statistics na maipapakita pero manood lang naman tayo ng TV o magbasa ng diyaryo araw-araw, makakahanap tayo ng balita tungkol sa domestic violence, rape, at iba pa, na kadalasan, kung hindi man 100%, kababaihan ang biktima.
Kapag nagsusulat ako ng libro, sinusubukan kong kahit kaunti, may matutunan naman ang mga readers ko. Sana naman meron silang napupulot sa mga libro ko maliban sa pagwiwish ng happily ever afters.
Ang isang formula ay nagiging formula for a reason. Gusto ko man sumulat lagi ng astiging character na tulad ni Mallory, hindi naman lahat ng babae katulad ni Mallory. In the long run, kahit pa parang suntok sa buwan, sana kahit paano, may mapag-isip naman akong mambabasa kahit paano. Sana, kahit paano, kung meron mang makabasa ng real life Cinderella sa mga libro na katulad nila ang characters ko, matuto silang pahalagahan ang sarili nila bilang tao, at bilang babae. Hindi nga kailangan ng Prince Charming para maging masaya eh. Sana maisip nilang kailangan lang nila magtiwala sa sarili nila, at maniwalang kaya nila at mahalaga sila. May karapatan silang lumaban kung naaapi sila at laging may handang tumulong sa kanila kung gugustuhin nila.
Iyon lang po *bow*